Hindi nakonsulta si Health Secretary Francisco Duque III sa desisyon ng mga kasamahan niya sa IATF hinggil sa pagtanggal ng quarantine requirement para sa mga fully vaccinated nang biyahero mula sa tinatawag na “green” countries.
Sa isang panayam, sinabi ni Duque na absent din sa pulong nang nabuo ang desisyon na ito sina vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr at Interior Secretary Eduardo Año, vice-chairperson ng National Task Force against COVID-19.
Sinabi ni Duque na kaya hindi siya nakadalo sa pulong ng IATF dahil nasa budget hearing siya sa Senado.
Binigyan diin ng kalihim na kahit si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagsabi dati pa na bawasan lamang ang quarantine period pero hindi dapat tuluyang alisin ang quarantine requirement para sa mga pumapasok sa bansa.
Hindi pa aniya kayang tuluyang luwagan ng Pilipinas ang restrictions gaya ng ibang bansa na mayroon nang 30 percent national vaccine coverage.
Mamayang hapon, sinabi ni Duque na pag-uusapan ulit nila sa IATF ang pagtanggal sa quarantine requirement sa mga fully vaccinated nang biyahero mula sa “green” countries.










