-- Advertisements --
image 428

Kasalukuyan pa ring pinag-aaralan ng Department of Trade and Industry(DTI) ang hirit ng ilang mga manufacturer na itaas ang presyo ng ilan sa kanilang mga paninda.

Ayon sa DTI, kasalukuyan pang pinag-aaralan ng consumer protection and advocacy bureau nito ang apela ng mga producer, na una na ring dumadaing dahil sa sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Sa naunang pahayag ni Trade Assistant Secretary Jean Pacheco, nais ng kagawaran na matalakay ang naturang usapin kasama ang lahat ng mga manufacturer na naghain ng kanilang petisyon.

Naiintindihan aniya ng kagawaran ang hiling ng mga producer at nais nilang matukoy ang akmang hakbang para hindi sila labis na mahirapan.

Una nang sinabi ng DTI na humihirit ang mga manufacturer ng pagtaas sa retail ng kanilang mga produkto.

Kinabibilangan ito ng mga produktong de lata, gatas, kape, instant noodles, at iba pa.

Sa kasalukuyan, epektibo pa rin ang SRP na unang inilabas noong Pebrero-8 ng taong kasalukuyan.