Magbibigay ng karagdagang food packs at iba pang non-food aide ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga local government units (LGUs) na ipapamahagi naman sa mga nangangailangang pamilya sa gitna nang umiiral na enhanced community quarantine bunsod ng banta ng COVID-19.
Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, ang kailangan lamang gawin ng mga LGUs ay mag-request sa mga field offices ng kagawaran upang maibigay ang mga pangangailangan ng mga ito,
Sa ngayon, patuloy pa rin aniya ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga LGUs para sa diskarteng gagawin sa pamamahagi ng food packs at non-food aid pati na rin kung saan ang mga distribution points.
Ginagawa aniya nila ito upang sa gayon ay maiwasan na rin ang pagkalat pa ng nakakabahalang COVID-19.
Nabatid na ang bawat food pack na ibibigay ng DSWD ay naglalaman ng bigas, assorted canned goods, kape, at energy drinks na sapat sa isang pamilya sa loob ng dalawang araw.
Para naman sa mga nanangangailangan ng medical at burrial assistance, sinabi ni Dumlao na maaring makipag-ugnayan ang mga nakababatang miyembro ng pamilya sa kanilang field offices.
Dalhin lamang aniya ang mga mahahalagang dokumento upang sa gayon ay makakuha ng ayuda mula sa DSWD.










