Hinimok ni Senador Sonny Angara ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tugunan ang mga pagkaantala sa pamamahagi ng social pension para sa mga senior citizen na nangangailangan.
Ayon sa senador, nakakabahala ang binanggit ng DSWD na mayroong 466,000 na backlog sa pagbibigay ng social pension para sa mga senior citizens.
Dagdag ni Angara, para sa mga mahihirap na nakatatanda, malaki ang maitutulong ng buwanang social pension bilang dagdag sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at pangangailangan.
Iniimbestigahan na aniya ng senado ang mga dahilan ng mga pagkaantala at umaapela sa DSWD na resolbahin ito sa lalong madaling panahon.
Matatandaang ibinunyag ng DSWD na nananatiling nakabinbin ang pamamahagi ng mga social pension na nagkakahalaga ng tinatayang P5 bilyon.
Ang panukalang 2024 budget ng DSWD ay naglalaan ng halos P50 bilyon para sa buwanang P1,000 social pension na inilaan para sa mahigit apat na milyong nangangailangang senior citizens.
Si Angara ay isa sa mga may-akda ng Republic Act 11916, na nagdoble ng social pension para sa mga mahihirap na senior citizen mula P6,000 hanggang P12,000 kada taon.