DAVAO CITY – Patuloy na iniimbistigahan ng Bureau of Jail Management and Penology ang natagpuang drone na may nakadikit na shabu sa Prk.25, People’s Village, Ma-a, nitong lungsod.
Nakita ng isang kagawad ng Brgy. Maa ang nasabing drone malapit sa Davao City Jail.
Ayon kay J/Capt. Edo Lobenia, may bigat na 25 grams ang narekober na droga, na may tinatayang P400,000 na street value.
Sa kabilang dako, arestado ang dalawang suspek na nagtangkang magpuslit din kahapon ng 15 sachet ng shabu na ipinalaman sa karne ng manok na inadobo.
Binusisi ng otoridad ang nasabing ulam na dala ng magkaibigan na si Dante Flores at Glenda Alapag kung saan narekober ang mga illegal na droga.
Sa ngayon mahigpit na ipinagbabawal muna sa Davao City Jail ang pagtanggap ng mga maghahatid ng ulam sa mga nakabilanggo dito.










