Nakalaya na mula sa kustodiya ng pulisya ang driver ng isang sasakyan na nakabanggaan ng isang motor sa Skyway Stage 3 sa Quezon City.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa viral na salpukan ng isang sasakyan at isang motorsiklong nagka-counter flow sa Skyway.
Ayon kay Highway Patrol Group Southern Luzon Expressway sub-office chief, Capt. Jun Cornelio Estrellan, pinawalang sala na ang 54-taong gulang na driver ng sasakyan sa kasong kriminal na isinampa laban sa kaniya ng pamilya ng motorcycle rider.
Ito ay matapos na maglabas ng order ang Quezon City prosecutor’s office na nagdi-dismiss sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property na isinampa ng pamilya ng motorcyce rider.
Batay kasi sa imbestigasyon ng mga otoridad, ang 22-taong gulang na rider ay bumangga sa sasakyan matapos itong mag-counterflow na makikita rin sa dash cam at CCTV footage na nakalap ng mga otoridad.
Sa ulat, sinubukan pa umano itong harangin ng security officer sa Skyway ngunit nagtuloy-tuloy pa rin ito.
Bukod dito ay sinabi rin ng pulisya na maraming nilabag na traffic rules ang rider sapagkat nagmamaneho ito ng walang dalawang driver’s license, walang helmet, at naka-tsinelas lamang nang mangyari ang naturang insidente.
Magugunitang ang mga naging paglabag na ito motorcycle rider ay ang nagdala sa kaniya sa kapahamakan na nauwi sa kaniyang pagkamatay.