KORONADAL CITY — Wala ng buhay nang marekober ang dalawang katao mula sa nahulog na fish car sa bangin sa bahagi ng national highway, Purok Maharlika, Barangay Saravia, Koronadal City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Saravia Barangay Kapitan Gregorio Presga, kulay puti na forward fish car mula sa General Santos City ang bumaliktad sa nabanggit na lugar habang malakas ang buhos ng ulan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Paul Escorido Pastolero, 28, driver na residente ng Barangay Canajay, Surallah, South Cotabato; at helper nito na si Floyd Montelibano, 33, na residente din ng nabanggit na lugar.
Napag-alaman na gumamit pa ng heavy equipment ang mga rescue workers at tumagal ng mahigit isang oras bago makuha ang dalawang naipit sa sasakyan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa sanhi ng aksidente.