-- Advertisements --

Hinimok ni dating Senate President Franklin Drilon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makialam na sa nangyayaring krisis sa Senado upang matuldukan ang umiiral na alitan sa loob ng kapulungan.

Ayon kay Drilon, walang masama kung makikialam ang Pangulo sa isyu dahil tungkulin nitong tiyaking maayos na nagtatrabaho ang lahat ng sangay ng gobyerno. Aniya, karaniwan nang ginagawa ng mga naging pangulo ang pagresolba sa mga sigalot na may kinalaman sa pamahalaan.

Binigyang-diin din ni Drilon na hindi na bago ang nangyayaring alitan dahil nangyari narin umano ito noong 2020 nang mamagitan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa hidwaan sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagitan nina dating Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Samantala, nagbabala naman si Senator Alan Peter Cayetano kay Senator Sherwin Gatchalian laban sa umano’y pagpapagamit sa Malacañang kaugnay ng mga pagbabago sa liderato ng Senado.

Sa kanyang Facebook Live broadcast, sinabi ni Cayetano na dapat maging maingat si Gatchalian sa pagtanggap ng matataas na posisyon na maaaring magdulot ng pagdududa sa kanyang pagiging independiyente.

Mariin namang itinanggi ni Gatchalian ang alegasyon at iginiit na ang mga desisyon ng mayorya sa Senado ay bunga ng konsultasyon at pagkakasundo ng mga senador. Dagdag pa niya, walang sinuman ang nagdidikta sa kanilang mga hakbang at mas mahalagang tutukan ang mga usaping makabubuti sa bansa.

Sa panig ng Malacañang, muling itinanggi ng Palasyo ang anumang pakikialam sa usapin ng Senado. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, iginagalang ng administrasyon ang prinsipyo ng paghihiwalay ng kapangyarihan ng mga sangay ng gobyerno at walang direktang papel ang Pangulo sa mga pagbabago sa liderato ng Senado.

Sinabi rin ni dating Senate President Francis Escudero na walang kinalaman ang Malacañang sa kanyang naging mga hakbang kaugnay ng plenary session noong Hunyo 3, na nagbukas ng daan sa pag-upo ni Gatchalian bilang lider ng Senado. Aniya, mas dapat pagtuunan ng pansin ng mga senador ang kanilang trabaho kaysa ang mga sigalot na nakahahadlang sa kanilang tungkulin.