-- Advertisements --

Nakahanda umano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na gawin ang lahat ng makakaya nito upang himayin kung sino-sino ang nasa likod ng umano’y korapsyon na bumabalot sa ahensya.

Pahayag ito ni DPWH Sec. Mark Villar matapos isiwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte na may nangyayaring katiwalian sa naturang ahensya.

Nagtatag naman si Villar ng task force na mag-iimbestiga sa mga matatanggap na hinaing hinggil sa sinasabing korapsyon sa DPWH.

Ayon sa kalihim, magiging agresibo ang kaniyang itinatag na task force upang alamin kung sino ang mga opisyal at empleyado ng DPWH na sangkot sa anomaliya.

Pangangasiwaan ito ni DPWH Assistant Secretary Meljohn Versoza, na siya ring head ng Legal Services and Special Concerns unit ng ahensya.

Magsisilbing vice chairperson naman ng task force si Internal Audit Service Director Gliricidia Tumaliuan-Ali. Kabilang din dito sina Human Resource and Administrative Service Director Michael Villafranca, Officer-in-Charge Director, Stakeholders Relations Service Andro Santiago, at Atty. Ken. Edward Sta. Rita.

Makikipag-ugnayan din ang task force sa iba pang sangay ng gobyerno para pairalin ang iba’t ibang anti-corruption measures.

Nanawagan din ito sa mga indibidwal na sangkot sa korapsyon na itigil ang kanilang ginagawa dahil layunin aniya nila na tapusin ang sinimulang problema ng mga ito.

Dagdag pa ni Villar na nais niyang gawing prayoridad ang lahat ng hinaing na matatanggap ng kanilang ahensya at mag-focus na tuldukan ang nangyayaring katiwalian sa ilalim ng kaniyan

g ahensya sa mga susunod na buwan.

Tumanggi naman ito na sabihin kung saang ahensya at anong rehiyon ang laganap ang katiwalian.