Kampante si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa bigat ng mga ebidensiyang ihaharap laban kay presidential cousin, Leyte Rep. Martin Romualdez.
Sa isang panayam, natanong ang kalihim kung bakit wala pa ring aktwal na kaso laban kay Romualdez sa kabila ng pagkakabanggit sa kaniya ng ilang resource person sa mga pagdinig ng Senado at ng House of Representative.
Ayon kay Dizon, gumugulong ang legal na proseso laban kay Romualdez at tiyak na sa lalong madaling panahon ay maihahain na ito sa korte, tulad ng Sandiganbayan.
Kampante ang kalihim sa bigat ng ebidensiyang ihaharap laban sa dating House leader na ayon sa kaniya, siya mismo ang nagrefer at nagsumite sa Office of the Ombudsman. Nangyari ito noong November 30, 2025.
Ayon kay Dizon, ang mga naturang ebidensiya pa ang naging daan para tuluyang maglabas ng freeze order ang korte sa mga ari-arian ng presidential cousin at tuluyan siyang pagbawalan na makalabas sa bansa.
Iginiit din ng kalihim na bagaman marami ang nagnanais na makitang nakasuhan o nakakulong ang dating House leader, ngunit kailangan aniyang dumaan sa akmang proseso ang isasampang kaso, tulad ng pinagdaanan ng mga kaso nina Sen. Jinggoy Estrada at iba pang kasalukuyang nakakulong dahil sa flood control projects.
Maaalalang si Romualdez ang nagsisilbing Speaker of the House noong mabuo ang 2025 National Budget na itinuturing bilang isa sa pinaka-corrupt na pambansang pondo, dahil sa umano’y mga illegal insertions.
Nagsisilbi rin noon bilang House Appropriations Committee chair si Zaldy Co, na nahaharap din sa patong-patong na kaso dahil sa pagkakasangkot ng kaniyang kumpaniya na Sunwest Corporation sa ghost flood control project.
















