-- Advertisements --

Ibinahagi ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) Road Sector ang mga updates sa mga natapos na at ongoing at future transportation projects ngayong nalalapit na ang pagtatapos ng termino ng Administrasyong Duterte.

Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor, layon lamang nila na ipakita ang mga programa ng DOTr Road Sector, LTO, at LTFRB na inilunsad upang mas maintindihan ng publiko at para mabigyan ng pagkakataon ang mga ibang offices na ipakita ang mga planong magpapatuloy sa susunod na administrasyon.

Kabilang sa mga proyekto at programang nabanggit ay ang EDSA Greenways project, Cebu Bus Rapid Transit, Davao High Priority System, at EDSA Busway. Inanunsyo rin ni Usec. Pastor na maglulunsad ang Grab Philippines ng Libreng Sakay bilang pasasalamat sa Duterte Administration at liderato ni DOTr Secretary Art Tugade.

“Magkakaroon din ng Libreng Sakay ang Grab Philippines as a thank you for the Duterte Administration and to Secretary Art Tugade, this June 15 until 30 mula 8AM to 11PM sa Terminal 2 at 3 ng NAIA with 100 units per day”, ayon kay Usec Pastor.

Ipinasilip naman ni Land Transportation Office-Philippines (LTO) Assistant Secretary Edgar Galvante ang mga bagong pasilidad ng LTO, tulad ng Road Safety Interactive Center (RSIC).

Aniya, tuluy-tuloy na rin ang paglabas ng mga plaka dahil sa bagong ikalawang automated plate-making robot na kayang mag-produce ng 700 vehicle license plates sa loob lamang ng isang oras.

“Ito ay consistent sa inilabas na kautusan kung saan ini-emphasize na dapat mag-digitalize na tayo,” binigyang diin ni Asec. Galvante.

Sa parte naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board – LTFRB (LTFRB) Chairman Martin Delgra III, ipinagmalaki niya ang mga programa at proyektong nagawa ng ahensya lalo na ang Libreng Sakay sa ilalim ng Service Contracting Program.

“I like to point out and emphasize that these programs and projects, which catered directly to our stakeholders, ‘yung riding public as well as our PUV operators. Wala po tayong programa like this before this administration. So, in a way these are programs that we witness growth to a higher level of service in so far as answering the transportation needs of the public is observed,” pahayag ni Delgra.

Sa kabuuan ng programang Service Contracting Program, umabot na sa 163,901,979 ang naserbisyuhan nito.

Habang nasa kabuuang 64,157 PUV units ang nagseserbisyo sa ating mga mananakay at 2,136 naman ang kabuuang bilang ng mga operators na sumali sa programang ito. Patuloy ang pamimigay ng LTFRB sa mga payouts at fuel subsidy para sa mga operators at tsuper.

Kabilang rin sa mga dumalo sa naganap na Press Briefing sina I-ACT Chief Charlie Del Rosario, LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion at LTFRB Regional Director Zona Tamayo.