-- Advertisements --

Kasunod ng pagbiyahe ng mga modernong jeep kahapon, pinawi naman ng Department of Transportation (DoTr) ang pangamba ng ilan na hindi na papayagang makabiyahe ang mga tradisyunal na jeepney sa bansa.

Sinabi ni Engr. Alberto Suansing, senior consultant ng DoTr road sector, kailangan lamang daw ayusin ng mga tradisyunal na jeep ang kanilang mga jeepney lalo na ang mga bumibiyahe na medyo luma na.

Ayon kay Suansing madalas kasi ay nakakalikha rin ng traffic, magulo at nakakaapekto sa environment ang ibinubugang usok ng mga tradisyunal na jeepney.

Dahil dito, hiniling ni Suansing sa mga jeepney drivers at operators na ayusin muna nila ang kanilang mga jeep bago hilinging makapasada lalo na ngayong ilan lamang ang pinayagang makapasada.

Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) national president Efren de Luna tiniyak nitong makakasunod sa minimum health standard ang mga jeep kapag papayagan nang bumiyahe.

Kahapon nang tuluyan nang payagang bumiyahe ang 308 na unit ng modernong jeep sa ilang lugar sa Metro Manila.

Pero ayon kay de Luna, hindi ito sapat dahil may mga rutang hindi naman dinadaanan ng mga modernong jeepney na dati nang ruta ng mga tradisyunal na jeep.