Posible raw payagan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga jeepney at UV express na magbalik operasyon sa Metro Manila bago ang June 21.
Ayon kay Transportation Asec. Mark De Leon, ito ang nakikita nilang augment o pandagdag sa mga pampublikong sasakyan sakaling kulangin ang public utility vehicles na balik kalsada bukas, June 1.
Sa isang panayam sinabi ng opisyal na magiging prayoridad nila ang modern jeepneys sa papayagang magbalik lansangan kung hindi magiging sapat ang mga bus.
Itinuturing daw kasi na high risk ang mga lumang jeep dahil mano-mano pa ang pangongolekta ng bayad dito, kaya isa ito sa mga huling papayagan magbalik-pasada.
Batay sa naunang anunsyo ng DOTr, may dalawang phase ang pagbabalik ng public transportation sa Metro Manila.
Sakop ng Phase 1 ang June 1 hanggang 21 kung saan mga tren, bus augmentation, taxi, TNVS (transport network vehicle services), shuttle services, point-to-point buses at bisikletang may limitadong pasahero ang papayagang bumiyahe.
Hindi naman papayagang pumasok ng Metro Manila ang provincial buses, habang ang nasa kamay ng local government units ang pagpayag sa mga tricycle.
Mula naman June 22 hanggang 30 ang Phase 2 kung saan papayagan na ang mga public bus, modern jeepnets at UV express na bumiyahe sa limitadong kapasidad.