CAGAYAN DE ORO CITY – Iaapela ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez kay Department of Justice Secretary (DOJ) Menardo Guevarra ang resolusyon ng panel of prosecutors na mayroong hawak ng kaso ng pagpatay kay Philippine Military Academy Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Ito’y matapos ikinagulat ni Rodriguez kung bakit hindi napabilang sa nasampahan ng kasong kriminal sina resigned PMA Supt. Lt. Gen. Ronnie Evangelista at Commandant of Cadets B/Gen. Bartolome Vicente Bacarro kahit nakitaan ng National Bureau of Investigation ng criminal liability nang iniimbestigahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Rodriguez na hindi katanggap-tanggap ang findings ng mga prosecutor na hindi mapabilang ang dalawang top army officials kung saan tatlong beses na nakaranas ng hazing si Dormitorio mula sa kanyang upperclass men ng PMA.
Inihayag ni Rodriguez na hindi maaari na ilan lamang sa military hospital officials ng PMA at mga kadete ang haharap sa mga kaso.
Una nang naisampa ng Baguio City Prosecutor’s Office ang Anti-Hazing Law violation, murder at ilang criminal offense, laban sa ilang PMA cadets at military hospital officials subalit naisalba naman sina Evangelista at Bacarro, gayundin ang upperclass men ni Dormitorio dahil umano sa kawalan ng case probable cause.