Inanunsyo ng businessman na si Anthony Pangilinan, ama ng aktor na si Donny Pangilinan, ang desisyon ng kanilang pamilya na magbigay sila ng diesel discount sa kanilang gasolinahan upang matulungan ang pangangailangan ng mga motorista sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa lumalalang tensyon sa Middle East.
Sa isang post sa social media noong Lunes, sinabi ni Anthony na kanilang sinuri ang epekto ng tumataas na presyo ng gasolina, hindi lamang sa kanilang negosyo kundi pati na rin sa kanilang komunidad.
Aniya, ang kanyang anak na si Donny, na kasama rin sa negosyo, ang nagmungkahi nang P3 bawas sa kada litro ng regular price ng diesel sa kanilang istasyon sa South Forbes sa Cavite na nag-umpisa ngayong araw ng Martes, Marso 17.
Ayon kay Anthony, sinuri nila ang epekto ng nagtataasang presyo ng langis hindi lang sa kanilang negosyo kundi sa mas malawak na komunidad.
Bagama’t aminadong hindi ito paborable kung pag-uusapan ang kita o “numbers”, nanaig ang kagustuhan nilang makatulong sa mga motorista at consumer na hirap na sa sunod-sunod na oil price hikes.
Nangako ang pamilya Pangilinan na pananatilihin ang mababang presyo ng diesel hangga’t kaya ng kanilang operasyon.
Agad namang pinusuan ng netizen ang ginawang anunsyo ng mag-ama kung saan marami ang humanga sa pagiging socially conscious ni Donny at sa suporta ng kanyang ama.
Matatandaan noong Lunes, inihayag ng Department of Energy (DOE) na maaaring umabot na sa P114 kada litro ang presyo ng diesel ngayong linggo, kahit na pumayag ang mga oil companies na tapyasan ang pagtaas sa presyo sa loob ng ilang araw.















