Nanindigan ang Department of Justice (DOJ) na ibang-iba na ang approach ng Pamahalaang Marcos sa laban kontra iligal na droga.
Ito ang pahayag ni Justice Secretary Crispin Remulla kasunod ng ulat ng grupong Human Rights Watch (HRW) na walang naging pagbabago ang sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas mula nang manungkulan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Remulla na nabasa niya ang nasabing report ng HRW.
Naniniwala ang kalihim na iba na ang human rights situation sa bansa partikular sa war on drugs.
Pero sinabi ni Remulla na maaaring kausapin muli ang pulisya sa mga metodolohiya ng mga ito.
Ayon pa sa kalihim, iba-validate din nila ang lahat ng mga nasabing ulat at mga impormasyon na nakalap ng human rights group.
Tiniyak pa ni Remulla na hindi tinutulugan ng gobyerno ang mga kaso ng extrajudicial killings at patuloy ang mga imbestigasyon at pagdinig sa mga nasabing kaso.