Nakatanggap ng online tip ang Office of Cybercrime (OCC) ng Department of Justice hinggil sa umano’y planong pagpatay kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos jr.
Sa isang panayam, kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevara ang impormasyon na ito, pero patuloy namang biniberipika pa ang naturang tip.
Ayon kay Guevarra, hiniling na ng OCC ang “preservation” ng account ng suspect habang ang DOJ naman ay inatasan na ang NBI na i-validate ang tip na ito.
Iginiit ng kalihim na confidential pa sa ngayon ang iba pang mga detalye hinggil sa naturang tip dahil na rin sa issue sa seguridad.
Samantala, sinabi naman ng kampo ni Marcos na itinuloy na ng OCC ang imbestigasyon matapos na makatanggap ng TikTok post na nagsasabing ““WE ARE meeting everyday to plan for BBM’s assassination. Get ready.”
Base sa impormasyon mula sa OCC, sinabi ng kampo ng dating senador na nagpadala na ng liham si DOJ-OOC officer-in-charge lawyer Charito Zamora sa Law Enforcement Outreach Trust and Safety ng TikTok.
Ito ay para hilingin na i-preserve ang data na may kaugnayan sa subject account habang nagpapatuloy ang legal process ng mga awtoridad.
Samantala, sa hiwalay na mensahe s amga reporters, sinabi ni Guevarra na kaagad naman ding kumilos ang OCC dahil sa aniya’y “serious nature” ng impormasyon na natanggap nito.
“The NBI will give priority attention to any validated information pertaining to a threat to the personal security of any presidential aspirant,” dagdag pa niya.