Nakatakda umanong humingi ang Department of Justice (DoJ) ng kopya ng Anti Money Laundering Council (AMLC) report kaugnay ng sinasabing kahina-hinalang P113.1 million transaction na kinasasangkutan ng child pornography dito sa Pilipinas.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra ang naturang dokumento raw ay ipapasa niya sa Inter-Agency Council Againts Trafficking (IACAT) para sa kaukulang aksiyon.
Sinabi ni Guevarra na ang nararanasang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ang posibleng isa sa mga dahilan kung bakit halos na-doble ang transaction na mula P65.8 million noong 2019 ay naging naging mahigit P113 million noong nakaraang taon.
Sa public bulletin ng AMLC na mayroong titulong “Child pornography in the Philippines,” ipinakita nito ang volume ng suspicious transaction reports (STRs) na pumalo na sa 27,217 mula Enero hanggang Hunyo 2020 o mahigit 2.5 times na mas mataas sa 10,627 na nai-report noong 2019.
At dahil sa nararanasang pandemic, idinadaan na umano ang transaction sa pamamagitan ng electronic wallets na accessible sa mga mobile phones at iba pang devices.
Mula Enero 2019 hanggang June 2020 lumalabas sa report na 68.4 percent ang international remittances mula sa mga bansang US, Australia, Canada, Saudi Arabia, United Kingdom, Norway, United Arab Emirates, Korea at Singapore.
Nanguna naman daw ang lalawigan ng Pampanga sa listahan ng mga recipients ng mga remittances na may kaugnayan sa child pornography kung pag-uusapan ang volume at value.
Sinundan ito ng Cebu, Bulacan, Cavite at Quezon City.
Ang mga naturang lugar ayon kay Guevarra ay mga lugar na tinamaan ng kahiparaan na dulot ng pandemic.
Nangako si Guevarra na gagawin ng IACAT na co-chair ang DoJ at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang lahat para matuldukan na ang online sexual exploitation of children (OSEC) dito sa bansa.
Sa katunayan marami na umanong naihaing kasosa korte kaugnay ng naturang isyu at sigurado raw na mananagot ang mga nasa likod nito.
Noong Disyembre lamang nang lumabas ang mga report na naglipana ang “Christmas sale” ng mga sensual photos at videos ng mga estudyante at kabataan sa internet para makapag-ipon ng pera para sa distance learning-related expenses.
Mayroon daw grupo sa social media partikular ang Philippine Online Student Tambayan (POST), na isang news portal para sa mga student sector.
Ginagamit daw ng mga estudyante ang #AlterPH, #AlterPinay at #AlterPhilippines sa Twitter para ibenta ang kanilang larawan at mga videos.
Noong Disyembre, mayroon daw tinatawag na Christmas bundle na naglalaman ng photos at videos na nakikita pa ang mukha ng mga estudyante at naibebenta sa halagang P150.
Dahil dito, welcome umano para sa kalihim ang posibleng pagpapatupad na ng bagong batas para mapalakas ang legal framework ng kampanya ng pamahalaan laban sa human trafficking sa cyberspace partikular na ang online sexual exploitation of children and minors.
Naniniwala ang kalihim na ngayong panahon ng pandemic na limitado lamang ang galaw at interraction ng mga tao ay talagang gagamitin ng mga tao ang internet para sa lahat ng uri ng human trafficking.
Una rito, nanawagan na rin ang ilang senador na imbestigahan ang naturang isyu.