-- Advertisements --

Inatasan ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang National Bureau of Investigastion na humingi ng tulong mula sa forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun para matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng co-accused sa Lapid slay case at dating Bureau of Corrections Deputy Security Officer Ricardo Zulueta.

Ipinag-utos din ng kalihim na gawin ang lahat ng posibleng paraan, ibunyag ang katotohanan at huwag hayaan ang sinuman na pigilan sila sa pagpursige sa pananagutan at paghahatid ng hustisya.

Base sa reports, sinabi ng DOJ na namatay kalaunan si Zulueta matapos isugod ito sa ospital ng kaniyang kapatid dahil sa labis na pananakit ng dibdib.

Subalit ayon sa ahensiya, lumalabas sa death certificate ni Zulueta na ang kaniyang ikinamatay ay cerebrovascular disease intracranial hemorrhage na nagdulot ng kalituhan sa tunay na dahilan ng ikinamatay nito.

Hinimok naman ng DOJ ang Philippine National Police na ibahagi ang kanilang findings kaugnay sa dahilan ng pagkamatay ni Zulueta.

Ayon sa DOJ, mayroong nakabinbing warrant of arrest ang dating BuCor official kasama si dating BuCor Director General Gerald Bantag kaugnay sa umano’y pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid at middleman sa krimen na si Jun Villamor.