-- Advertisements --

MANILA – Aminado ang Department of Health (DOH) na may ilang ospital at medical facilities sa bansa ang nagkakaubusan sa supply ng oxygen tanks, gayunpaman mas malaki naman daw ang bilang ng mga pagamutan na hindi nakakaranas nito.

“Nagkaroon kami ng survey among all the hospitals because we would want to be ready for this kind of requirement ng mga pasyente,” ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Mula sa 1,221 na ospital, tatlo (0.25%) ang nauubusan ng oxygen supply sa isang araw, 15 (1%) naman sa isang araw kada linggo, at 63 (5%) sa loob ng isang araw kada buwan.

Nasa 943 (77.75%) naman ang hindi nakaranas na maubusan ng supply sa mga tangke ng oxygen.

Sa mga infirmary, sinabi ng DOH, na mula sa 546 na pasilidad, may dalawang (0.37%) nauubusan ng oxygen sa isang araw; 19 (3.48%) sa isang araw kada linggo; at 54 (9.89%) sa isang araw kada buwan.

Habang 364 (66%) ang hindi umano nakaranas ng oxygen supply shortage.

Tinatayang 14,000 na tangke ng oxygen daw ang nako-konsumo para sa COVID-19 patients kada araw sa buong bansa.

Sa National Capital Region pa lang, nasa 5,300 oxygen tanks na raw ang nagagamit sa isang araw.

“It is enough and sufficient sa ngayon at sa current na bilang ng mga kaso natin,” ani Vergeire.

“Nagkaroon din tayo ng forecasting kung ilan ang kakailanganin kung dodoblehin nga ang pangangailangan sakaling tumaas ang kaso na mangangailangan ng oxygen.”

Ayon kay Vergeire, kahit pa dumoble ang demand ng oxygen sa loob ng isang buwan ay sapat ang supply ng bansa.

“But at the same time, ayaw magkaroon ng complacency ng gobyerno.”

Nakausap na raw ng Department of Trade Industry ang ilan sa malalaking manufacturer ng oxygen tanks para matiyak na may ampat na supply ang bansa.

Kamakailan nang lumutang ang ulat na nagkakaubusan na ng oxygen supply sa India. Aabot na sa higit 20-million ang tinamaan ng COVID-19 sa naturang bansa, kung saan higit 2-million na ang namatay.