MANILA – Kasunod ng dumating na dagdag na supply ng COVID-19 vaccines, target ng Department of Health (DOH) na taasan ang target na bilang ng mga mababakunahan laban sa sakit kada araw.
“We hope we can reach 70 (thousand) and higher,” ani Health Usec. Myrna Cabotaje, chairperson ng National Vaccination Operations Center.
Ayon sa opisyal, sa mga nakalipas na linggo umabot ng higit 30,000 indibidwal ang natuturukan ng COVID-19 kada araw.
Umakyat pa raw ito ng hanggang 60 hanggang 70,000 kada araw ngayon.
“Nagkaroon tayo ng one time nung nag-issue ng all first doses ng AstraZeneca, naka-100,000 (in one day).”
Sa kabuuan, mayroong 7,764,015 doses ng COVID-19 vaccine ang Pilipinas. Pero higit 2-million pa lang sa mga ito ang naituturok sa mga Pilipino.
Paliwanag ni Cabotaje, magkakaiba ang pagitan ng mga petsa sa pagbibigay ng ikalawang dose ng mga bakuna.
Halimbawa sa Sinovac ay 28-araw, sa Pfizer-BioNTech ay 21 araw, at sa AstraZeneca ay 12-linggo.
“Kinuha na natin yung commitment ng ating regional offices para yung mga naka-allocate na 2nd dose ng AstraZeneca na 500,000 ay maibigay na this month or next month.”
Dumepensa rin ang opisyal sa reklamong ilang local government units ukol sa napakabagal umanong deployment ng mga bakuna.
Ayon kay Cabotaje, dahil limitado pa ang mga dumadating na vaccine supply, kailangan unahin ang mga prayoridad na mabigyan ng bakuna.
“Nagpa-priorirty tayo ng NCR ng 50 to 70% pero kailangan din natin bigyan ang ibang region… we have to take care other parts of NCR and the country.”
Tinawag ni Manila Mayor Isko Moreno na “super slow ” ang distribusyon sa bakuna ng DOH.
Sinabi naman ni Dr. Tony Leachon, na kulang ang hanggang 60,000 indibidwal na nababakunahan kada araw para maubos ang doses ng AstraZeneca vaccines na nakatakdang mag-expire sa susunod na buwan.
Ngayong araw nakatakdang dumating ang karagdagang supply ng Sputnik V vaccines na binili ng Pilipina sa Russia.