-- Advertisements --

Aminado ang Department of Health (DOH) na malaki ang naging epekto ng kulang na supply ng ilang gamit sa mga sertipikadong laboratoryo, sa pag-usad ng COVID-19 testing sa bansa.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, bagamat sapat ang supply ng testing kits ay nagkaka-problema pa rin sa paggamit ng mga ito.

Bunsod daw kasi ito ng kulang na logistical supplies tulad ng automated extraction machine.

Ngayong linggo raw ay asahang ipadadala ng DOH sa mga laboratoryo ang bagong dating na batch ng biniling testing kits.

Sa huling tala ng ahensya, may 63 nang lisensyadong laboratoryo para sa COVID-19 testing. Binubuo ito ng 46 na RT-PCR labs, at 17 GeneXpert laboratories.

Una nang sinabi ng DOH na may kakayahan na ang mga lisensyadong COVID-19 testing laboratory na mag-proseso ng higit 30,000 test sa isang araw.

Pero sa huling tala ng ahensya ay umaabot lang sa higit 10,000 ang nahahawakang test ng mga laboratoryo kada araw.

Nitong Linggo nang makapagtala ang DOH ng 653 na mga bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 na binubuo ng 238 late cases at fresh cases na nasa 415.

Mula naman sa total na 30,052 isang numero ang tinanggal matapos mabatid sa validation na duplicate case lang ito.