Patuloy ang panawagan ng Department of Health (DOH) sa mga local government units na magtayo ng network o magandang relasyon sa mga temporary treatment and monitoring facilities (TTMS) para sa paglilipat ng mild at asymptomatic COVID-19 cases na naka-home quarantine.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire wala pa sa 50-percent ang occupancy rate ng MEGA LIGTAS COVID o community isolation facilities dito sa Metro Manila.
“Kaya nga hinihikayat natin lahat ng local government units natin magkaroon ng network with these temporary treatment and monitoring facilities para everytime they will identify mild and asymptomatic facilities tapos hindi talaga posible yung home quarantine, they can go directly to these facilities para doon ilagay ang ating mga mild and asymptomatic (cases.”
Sa ngayon nananatili pa rin daw ang protocol ng DOH sa mga magho-home quaratine na confirmed cases, na dapat ay may sariling kwarto at palikuran sa kanilang bahay.
Siguraduhin din umano na walang vulnerable population na kasama sa tahanan, tulad ng matanda at buntis.
Ang mga Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) ng LGUs naman ang responsable sa monitoring ng mga naka-home quarantine.
Nilinaw ni Vergeire na hindi nila pipiliting umalis ng ospital ang mga mild at asymptomatic cases na kasalukuyang naka-admit para ilipat sa community isolation facilities.
Kung may papayagan mang manatili sa pagamutan ay yung mga confirmed case na may iba pang commorbidity o sakit.
“Hindi tayo magre-retroactive. Gusto natin kung sino yung mga dadating ngayon (na bagong kaso), ‘yun na ‘yon ipapatupad ang protocol at kailangan sumunod ang mga ospital.”
Batay sa data drop ng DOH, as of July 15, nasa 33,786 ang bilang ng active cases na nagpapagaling sa labas ng mga pagamutan.