-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na makakatanggap pa rin ng karampatang treatment ang mga pasyenteng nagpapa-dialysis kahit sila ay nag-positibo sa COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga ulat na may ilang dialysis patients ang natatakot na magsabi na sila ay may sintomas o tinamaan ng coronavirus.

“Tayong lahat may responsibilidad sa pandemya na ‘to, and kung matatandaan natin maraming namatay na healthcare workers at doktor nung mga unang mga buwan nang tayo ay rumeresponde dahil hindi nagsasabi ng totoong sintomas ang ating mga pasyente,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Paliwanag ng opisyal, hindi pwedeng i-deny ng healthcare facilities ang mga magpapa-dialysis na pasyente kahit sila man ay suspect, probable o confirmed case.

Itinuturing daw kasi na “life saving” procedure ang dialysis sa mga may komplikasyon sa bato, kaya hindi ito pwedeng ipagdamot sa mga mangangailangang pasyente.

“Ang gagawin lang kung may sintomas, kayo ay isa-swab, isolate at may dialysis para sa mga may COVID. Kayo ay bibigyan pa rin ng mga serbisyong ito kahit kayo ay may sintomas.”

Ipinaalala ni Usec. Vergeire na kasali sa mga prayoridad ng COVID-19 testing ang mga nagpapa-dialysis dahil pasok sila sa mga itinuturing na vulnerable population.

“Kasama na yan sa expanded testing protocol natin, yung mga pasyente na nagda-dialysis because we consider them as high risk. We use swab test, yung RT-PCR.”

Payo ng DOH spokesperson, maaaring magpasailalim sa GeneXpert na swab test ang dialysis patients dahil sa mas mabilis ang turn around time nito sa RT-PCR.

“Kailangan susunod sa patient ang mga pasyente. Halimbawa ang dialysis nya ay Lunes, dapat nakapagpa-test na siya two days prior the dialysis para pagpunta niya doon pwede na siya isalang.”