ILOILO CITY – Nagpalabas ng advisory ang regional director ng Department of Health (DOH) sa Western Visayas kaugnay sa paggamit sa kanyang pangalan upang
manghingi ng financial assistance.
Sa ipinalabas na statement ni Dr. Marlyn Convocar, sinabi nito na nakipag-ugnayan sa kanyang opisina ang isang supplier na nakatanggap ng tawag at mensahe mula sa dalawang nagpakilalang sina Jade at Dianne.
Ginagamit daw kasi ang pangalan ni Convocar at ng Department of Health Western Visayas para sa financial solicitation.
Sinabi ni Convocar na pinapalabas ng mga ito na gagamitin ang malilikom na pera para sa mga pamilya ng DOH personnel at staff na apektado ng COVID (Coronavirus Disease).
Giit ng regional director, wala siyang inilabas na utos na manghingi ng donasyon lalo’t hindi rin nito pinahihintulutan ang nasabing gawain.