-- Advertisements --
image 63

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi totoo ang kumakalat na balita online hinggil sa isa sa mga ospital nito na naka-lockdown dahil sa isang pasyente na mayroong COVID-19.

Sa inilabas na statement ng DOH, pinabulaanan nito ang kumakalat na text message at sinabing walang ospital ng DOH ang kasalukuyang naka-lockdown at nananatiling fully operational ang lahat ng mga ito.

Umapela din ang ahensiya sa publiko na maging vigilante sa pagbabahagi ng impormasyon at sumangguni lamang sa mga balita at impormasyon kaugnay sa kalusugan mula sa platforms ng DOH.

Sa hiwalay na advisory, sinabi din ng East Avenue Medical Center na walang katotohanan ang text message at tsimis na ang ospital ay nasa emergency lockdown dahil sa COVID.

Sa kasalukuyan nasa kabuuang 4,115,714 COVID-19 cases sa buong bansa kung saan 4,045,957 ang nakarekober na, 66,702 ang nasawi at 3,055 ang aktibong mga kaso.