-- Advertisements --

Dumepensa ang Department of Health (DOH) matapos kwestyunin ni Vice President Leni Robredo ang transparency ng ahensya sa pagre-report ng COVID-19 data.

Sa isang online post kamakailan, tinawag ni Robredo ang pansin ng DOH dahil sa tila misleading na paghahambing ng kagawaran sa positivity rate ng bansa noong Abril at ngayong buwan.

“The 22% they were claiming was not even the average for April. It was just for April 3 when the individual tests conducted was a very measly 2,280 tests. Of course, you will expectedly get a very high percentage when your base is very low,” ani Robredo sa post.

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nais lang ipakita ng ahensya na tumaas na ang testing capacity ng estado mula nang unang rumesponde ang gobyerno sa pandemic.

“Noong araw ng April 3, nakapagtala po ang DOH ng 22.19% na positivity rate, samantala, 10.9% na cumulative positivity rate as of April 30. Noong July 23 naman po, nakapagtala ng 12.1% na positivity rate at 8.8% cumulative positivity rate as of July 23,” ani Vergeire sa virtual presser nitong Lunes.

Nitong Linggo nang maglabas ng infographic ang DOH sa kanilang Facebook page ukol sa “Ano nga ba ang narating ng ating COVID-19 response?”

Nakasaad din dito ang ilang global parameters o batayang ginagamit ng ibang bansa, kabilang na ang World Health Organization (WHO), sa pagbabantay ng mga kaso ng sakit.

“Wala pong intensyon ang Kagawaran ng Kalusugan na linlangin ang mga tao sapagkat nilalabas naman po namin ang mga mahahalagang datos na maaaring gamitin para sa analysis.”

“Wala pong panloloko dito po sa mga datos na ibinibigay namin sa bayan,” dagdag ni Vergeire.