Naipabatid na raw ng Department of Health (DOH) sa concerned agencies ng gobyerno ang pagbibigay aksyon sa sitwasyon ng Rizal Memorial Colisuem na dinagsa ng locally stranded individuals (LSIs) na naipit ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
“Nakakalungkot na nangyayari yung mga ganito inspite of all of our reminders. Bagaman mayroon na nga tayong mga protocol sa mass gathering,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Naiintindihan naman daw ng DOH ang buhos ng LSIs na makauwi na sa kani-kanilang mga probinsya, pero ipinaalala ni Usec. Vergeire ang kahalagahan nang pagsunod sa mga panuntunan.
Binigyang diin ng opisyal na matagal na nilang naibaba sa ibang ahensya ang panuntunan sa pagma-manage ng malaking bilang ng populasyon.
“Ang lagi nga namin pinapaalala, even DILG released the statement yesterday about mass gathering. ‘Yun ang pinapaalala namin, yung mga protocols sana kapag ganyan ay masusunod din.”
“Our guidelines were issued way before pa na kapag tayo ay nandito sa ganitong estado ng sitwasyon ngayon, bawal talaga ang mass gathering kahit saan.”
Nagmistulang piyesta ang sitwasyon sa naturang coliseum nitong weekend matapos bumuhos ang LSIs na gustong mapasali sa “Hatid Tulong” program.
May pina-pwesto pang banda ang mga opisyal sa loob ng gusali para magbigay aliw sa mga naghihintay na stranded individuals.
Hanggang nitong Linggo, may mga LSIs pang dumating sa labas ng coliseum sa pagbabaka-sakaling makakapasok sila at makakasama sa biyahe.
“Ang ating pinaka-danger diyan sa brass band playing would be yung physical distancing… droplet kasi ‘yang infection na ‘yan madaling makakapag-hawa-hawa kapag magkakalapit sila.”
Nitong araw, kinumpirma ng Presidential Management Staff na walong LSIs na ang nag-positibo sa ginawang rapid test.