
Pinawi ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko kaugnay sa bagong Nipah virus na posibleng makapasok sa Pilipinas sa gitna ng napaulat na flu-like illness sa ilang lugar sa Cagayan de Oro.
Sa isang statement, muling nilinaw ng DOH center for Health Development Northern Mindanao na walang mga kaso ng Nipah virus sa bansa sa gitna ng mga report na kumalat na ang dahilan umano ng naranasan na sinyales at sintomas ng ilang mga residente sa Cagayan de oro ay dahil sa Nipah virus.
Paliwanag ng DOH regional office, bagamat may mga insidente na nagpakita ng mga sinyales at sintomas ng nakakahawang sakit ang mga faculty at estudyante sa CDO, hindi pa aniya malinaw kung ito ay bunsod nga ng partikular na virus sapagkat karamiwang mga sintomas din ito ng iba pang viral infections. Sa kabila nito, ayon sa DOH, naglatag na sila ng surveillance system para mamonitor ang psoibleng kaso ng naturang virus.
Una rito, nitong Miyerkules, sinabi ni Cagayan de Oro city Mayor Rolando Uy na mayroong pagtaas kamakailan ng fever o flu like illnesses sa mga paaralan at ilang mga barangay sa kaniyang nasasakupan.
Kung kayat sa inilabas nitong executive order, hinikayat ng opisyal ang mga residente na obserbahan ang minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, ugaliin ang regular na paghuhugas ng kamay at pagtakip kapag umuubo at obserbahan ang social distancing sa lahat ng mga pampublikong lugar at transportation hubs sa lungsod.
Batay sa impormasyon mula sa DOH, ang nipah virus at isang uri ng virus na naihahawa sa pagitan ng hayop at tao kung saan karaniwang carrier ang fruit bats o flying foxes. Ang inisyal na sintomas nito ay lagnat, pannakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, (pasintabi po) vomiting at pananakit ng lalamunan. Maaari din itong magresulta sa encephalitis o pamamaga ng utak at maaaring humantong sa kamatayan.










