-- Advertisements --

Binigyang diin ng Department of Health (DOH) na kailangan pa ring sundin ng publiko ang minimum health standard protocols, kahit mas marami nang lugar sa bansa ang nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).

Ayon kay Usec. Maria Rosario Vergeire, kahit ano pa ang level ng community quarantine sa isang lugar ay dapat naipatutupad ang prinsipyo ng minimum health standards para maiwasan ang banta ng pagkalat ng COVID-19.

“Kung wala kang gagawin na essential outside of your home, huwag kang lumabas because you are still in community quarantine kahit sabihin nating low-risk MGCQ yan,” ani Vergeire sa Laging Handa public briefing.

“Kailangan pa rin nating gawin ang minimum health standards: isuot ang mask pag lalabas ng bahay, mag-physical distancing, laging maghugas ng kamay.”

Paliwanag ng opisyal, hudyat din ng transition o pagpasok sa “new normal” ang pagbabago ng community quarantine measures ng mga lugar na dating nasa GCQ at ngayon ay nasa MGCQ na.

“Lahat ng minimum health standards na dapat ipatutupad sa bawat setting na mayroon tayo, whether it be for transport, for education, and all dapat naipatutupad.”

Nitong Martes ng gabi nang ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na simula July 1 ay nasa ilalim na ng MGCQ ang malaking ng lugar sa bansa, ang iba naman ay nasa ilalim ng kategoryang “low-risk MGCQ.”

Ang Cebu City naman ay mananatili ring nasa enhanced community quarantine, ang pinaka-mahigpit sa lahat ng community quarantine measures na itinakda ng pamahalaan. Samantalang 11 lugar ang nasa GCQ.