-- Advertisements --

Simula Biyernes, June 10, ay aalisin na ng Department of Health (DOH) ang “fresh” at “late” cases sa reporting ng mga bagong kaso ng COVID-19.

Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na ire-report na lang nila ang bilang ng mga nadagdag na kumpirmadong kaso ng sakit, at ang bilang ng “active cases.”

Ang mga active cases ay yung mga confirmed cases ng COVID-19 na nagpapagaling pa sa mga ospital, quarantine facilities, o sa kani-kanilang mga bahay.

Magpe-presenta rin daw ang DOH ng epidemiologic curve para makita ang onset of illness o kung kailan nagsimulang tinamaan ng sakit ang mga nag-positibong pasyente.

Nilinaw naman ni Vergeire na iuulat pa rin nila ang total number of cases, pero iha-highlight ang mga active cases para malaman ng publiko kung ilan pa ang nagpapagaling sa sakit.

Nitong Lunes pumalo na sa 46,333 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.