-- Advertisements --

Nakatakdang imbestigahan ng Department of Health (DOH) ang mga sinasabing kaso ng COVID-19 outbreak sa ilang mining sites sa bansa.

“We will be investigating these cases and we will be advising the employers of these mining employees so we can avoid similar situations from happening,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Pahayag ito ng ahensya matapos mag-suspinde ng operasyon ang dalawang minahan sa lalawigan Benguet dahil sa mga naitalang kaso ng COVID-19 sa ilang empleyado.

Batay sa inilabas na adivsory ng kompanyang Philex Mining, mayroong 143 active cases sa kanilang mga empleyado at kalapit na komunidad sa Padcal Minesite sa Tuba, Benguet.

Nagbalik operasyon naman na raw ang naturang minahan matapos ang dalawang araw na temporary suspension sa operasyon.

Samantala, nakabinbin pa ang pagbabalik operasyon ng Sangilo minesite ng kompanyang Apex Mining sa bayan ng Itogon, sa lalawigan din ng Benguet.

Ayon sa kompanya, higit 80 na ang COVID-19 cases sa naturang minesite kaya napasali ito sa ipinatupad na localized lockdown ng Barangay Poblacion.

Hinihintay pa raw nila ang resulta ng swab test sa ilan pang empleyado. Magbubukas lang daw ang kanilang operasyon kapag nakumpleto na ang contact tracing at swab testing.

“Operation will resume upon completion of contact tracing and swab testing, and only those with negative results will be allowed to return to work,” sinabi ng kompanya.

Paliwanag Vergeire, malaki talaga ang tsansang magkaroon ng hawaan sa mga enclosed spaces tulad ng minahan. Pati na sa mga lugar na walang maayos na ventilation o daluyan ng hangin.

Batay sa huling tala ng DOH, nasa 976 na ang total ng COVID-19 cases sa lalawigan ng Benguet matapos madagdagan ng 93 new cases nitong Miyerkules.