-- Advertisements --

Hindi na raw kailangang magtayo pa ng mga bagong ospital para tugunan ang dumaraming bilang ng nagiging pasyente ng COVID-19 sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na bagamat target ng gobyerno na tuluyang mapababa ang mga kaso ng coronavirus sa bansa ay hindi nito ikinokonsidera ang pagpapatayo ng mga bagong gusali.

Palalawakin daw ng pamahalaan ang kapasidad ng mga pasilidad sa pamamagitan ng pagsasaayos sa mga kwarto at ward ng ospital.

Sa paraang ito ay mabibigyan umano ng karampatang espasyo ang COVID-19 at non-COVID patients.

Bukod dito, ang tuloy-tuloy na procurement daw ng mga kailangang gamit ay prayoridad din.

Sa ngayon, dahil may tatlong linggo pa bago ang pagtatapos ng in-extended pang enhanced community quarantine, makakapaghanda pa raw ang bansa.

“Noong una tayong nagpatupad ng ECQ na ito yung pinagusapan at napagkasunduan na we will be regularly evaluating kung ano man itong mga ipinatutupd sa ECQ.”

“Ito yung ating pamantayan para makapagsabi na within these two weeks that we are giving (till May 15) kung tayo ay makakapag-desisyon kung ito’y i-extend o tatapusin na.”

Paghahanda na naka-sentro sa target na pagpapababa ng “doubling time” o pagitan ng mga araw bago dumoble ang COVID-19 cases.

Pati na ang pagpapalawak pa sa testing capacity para agad ma-isolate at mapagaling ang sino pang magpo-positibo sa sakit.