Umalis na ang 8-man team ng Department of Health (DoH) at Department of Foreign Affairs (DFA) na susundo sa mahigit 50 Filipino na nasa Wuhan City, na siyang sentyro ng novel coronavirus.
Lima sa kanila ay mula sa DoH at tatlo naman ang nanggaling sa DFA.
Ayon kay Dr. Gloria Balboa, Director IV ng Health Emergency Management Bureau ng DoH, nagsagawa sila ng simulation exercise kanina, para makita kung ano pang adjustment ang kinakailangang gawin.
May target umanong oras para sa buong proseso at may seat plan din para hindi magkakatabi ang mga isasailalim sa quarantine.
Kukunan din ang mga ito ng temperatura bago isakay sa Royal Air flight at maging sa pagdating sa paliparan.
May koordinasyon na aniya ang kanilang tanggapan sa pamahalaan ng China at pati sa embahada.
Kabilang sa Health Emergency Response Team (HERT) sina Rowell Casaclang, Abdul Rahman Pacasum at Richard delos Santos mula sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA); at limang miyembro ng medical team ng DoH.
Tuloy naman ang pagdadala sa kanila sa athletes village sa New Clark City sa Capaz, Tarlac, sa kabila ng pagtutol ng ilang residente at opisyal doon.
Para sa DoH, wala na silang pagkakataon para makahanap ng iba pang lugar dahil ngayong weekend na ang dating ng mga Pinoy na uuwi.










