-- Advertisements --

Inirekomenda ngayon ni Iloilo Rep. Janette Garin sa Department of Health (DoH) na mag-preposition ng mga anti-COVID drugs sa mga ospital bilang paghahanda sa mga moderate at severe cases ng mga pasyente.

Ito’y kasunod ng rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gawing optional ang pagsusuot ng face mask sa mga open at hindi crowded na lugar.

Ayon kay Rep. Garin hindi maitatanggi na mayroon nang pandemic fatigue ang mga Pinoy kaya marami ang pabor na maging boluntaryo na ang pagsusuot ng face mask gayunpaman ang tuluyang pagluwag sa polisiya ay may kaakibat dapat na paghahanda lalo na sa oras na tumaas ang COVID cases.

“We need to take this with a grain of salt… With the lifting of the mask mandate, it is imperative that the Department of Health preposition antivirals so that the burden of health expenditure for moderate and severe cases will not be passed on to the people”, pahayag pa ni Garin.

Pabor din si Garin sa optional mask policy subalit dapat ipatupad ito kapag nasa 70 percent na ng target population ang nakatanggap ng booster shots laban sa COVID-19.

Batay sa datos ng DOH nasa 17 million o 21.76 % pa lamang ang nakatanggap ng isang booster shots, mababa pa ito kung ikukumpara sa 72 million o 92.31% Filipino na fully vaccinated sa primary series vaccine o nakatanggap na ng unang dalawang bakuna.

“It is a fact that the definition of a fully vaccinated person has been compromised by the Delta and Omicron variants. Waning immunity or the protection from the original shots has begun to decline,” paliwanag pa ni Garin.

Iginiit ni Garin na epektibo ang mask sa pagpapababa ng virus transmission.

Tinukoy din ng mambabatas ang isinagawang pag-aaral ng Microbiology Department ng University of Hongkong na nailatha sa Clinical Infectious Diseases Medical Journal na nagpapakitang bumababa ng hanggang 75% ang coronavirus’ transmission rate sa pamamagitan ng respiratory droplets o airborne particles kapag nakasuot ng face masks.

Sa ginawang test ng mga experto sa mga malulusog na hamsters, lumitaw na 66.7% ang agad na na-infect sa loob lamang ng isang Linggo habang ang mga nilagyan ng mask barrier sa loob ng infected cage ay bumaba sa 16.7 porsiyento ang infection rate.

Lumabas din sa pag-aaral na ang mga nakasuot ng mask na nagkaroon ng infection ay kakaunti lamang ang virus sa kanilang katawan kumpara sa nakakuha ng sakit na walang mask.

Payo ni Garin na kahit pa man maging optional ang pagsusuot ng mask ay mainam na piliin pa rin na magsuot nito habang patuloy ang booster vaccine drive ng DOH.