-- Advertisements --

Gumagawa na raw ng paraan ang Department of Health (DOH) para mabigyan din ng financial assistance ang pamilya ng ika-34 na health care worker na namatay dahil sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, isang barangay health worker mula sa National Capital Region (NCR) ang pinakabagong nadagdag sa listahan ng medical frontliners na binawian ng buhay habang nasa gitna ng serbisyo.

“Dahil nag-lapse na ang effectivity ng Bayanihan (to Heal as One) law, kasalukuyan tayong nakikipagusap sa iba’t-ibang mga ahensya ng gobyerno upang patuloy na makapagbigay ng death benefits claim sa mga health care worker.”

Sa ilalim ng naturang batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso, nakasaad ang mga probisyong magbibigay tugon sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Kabilang dito ang pagbibigay ng P1-milyong tulong pinansyal sa pamilya ng health care workers na mamamatay dahil sa pandemic virus.

Para naman sa mga health care workers na na-infect ng COVID-19 at naging severe o kritikal ang lagay ay P100,000 naman.