MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na 9% lang ang hindi pa nakakatanggap ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine.
Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ng epidemiologist na si Dr. John Wong na 50% ng mga nabakunahan ng first dose (as of May 29) ang hindi pa natuturukan ng pangalawang vaccine jab.
“Dr. Wong mentioned of this 50% of quantity were based on assumptions. Mayroon siyang mga statistical computation kaya nakuha niya yan,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing.
Ayon sa opisyal, kung titingnan ang datos mula sa vaccination sites, nasa 9% o higit 113,000 na indibidwal lang ang hindi pa nababakunahan ng second dose.
Isa sa nakikitang dahilan ng DOH ay ang pagpo-positibo sa COVID-19 ng ilang indibidwal matapos ang schedule ng kanilang first dose.
“Noong time na kasagsagan ng mga kaso sa NCR Plus bubble, ito rin yung time na yung allocation ng vaccines dito (NCR Plus) ay mataas, so this was the time na kasabay ng tumataas na kaso ang pagbabakuna.”
“During that time may mga kababayan tayo na na-expose o nagkasakit, so come there second (dose) scheduled time na-defer sila because of sickness and being exposed.”
Pati na ang mahabang pagitan sa pagtanggap ng ikalawang dose ng AstraZeneca vaccine.
Sa ilalim ng guidelines sa pagbabakuna ng British vaccine, ituturok lang ang second dose matapos ang 12-linggo.
“Our first policy indicated na ang ating interval would be 8 to 12 weeks, kaya yung iba pagdating ng 8th week nagbakuna na. Pero walang problema diyan, kasama pa rin yan sa indications.”
Hinimok ni Vergeire ang publiko na tumanggap pa rin ng second dose kahit lumampas na sila sa nakatakdang schedule.
Maaari raw makipag-ugnayan ang mga ito sa vaccination site o local government unit para mabigyan sila ng bagong schedule.
Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ng opisyal na may higit 5-million doses ng bakuna na dadating ngayong buwan.
Kabilang na rito ang 1-million doses ng Sinovac vaccine, at 2-million ng AstraZeneca vaccines at 2-million ng Pfizer vaccines mula sa COVAX Facility.