-- Advertisements --

MANILA – Pinag-aaralan na raw ng Department of Health (DOH) ang mga panukala at emergency use application kaugnay ng pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa mga bata.

Kasunod ito ng approval ng China sa CoronaVac vaccine ng Sinovac para sa mga menor de edad.

Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, bukas naman ang DOH sa mga bagong impormasyon tungkol sa pagbibigay ng COVID-19 vaccine.

Pero kailangan daw matiyak na dumaan ito sa tamang proseso, tulad ng pagsusuri ng mga eksperto at approval ng Food and Drug Administration.

Batay sa resulta ng Phase 1 at Phase 2 clinical trials ng Sinovac, lumabas na nabigyan ng immune response ng bakuna ang mga batang 3 to 17-years old.

Gayunpaman, hindi pa napa-publish sa peer-reviewed journal ang resulta ng naturang pag-aaral.

Noong nakaraang buwan nang aprubahan na rin ng FDA sa Amerika ang pagtuturok ng bakuna ng Pfizer-BioNTech sa mga 12 hanggang 15-anyos.

“Kapag nabuo na nila ang kanilang mga ebidensya, nakumpleto ang kanilang trial, at nag-sumite sila dito ng revision ng kanilang EUA, pag-aaralan ng ating mga eksperto,” ani Vergeire sa isang press briefing kahapon.

“Kung mapatunayan natin na ito ay magiging ligtas and its going to protect our children, the Philippines will be open to this.”

Samantala, nilinaw ni Vergeire na dito sa Pilipinas, pinapayagang mabakunahan ang mga 16 hanggang 17-anyos na indibidwal basta’t sila ay may comorbidity.

Kailangan lang umano na may clearance mula sa doktor ang menor de edad bago tumanggap ng COVID vaccine.

“Kung meron hong isang bata na 16 to 17-year-old with comorbidity na kasama sa ating rekomendasyon maaari naman siyang mabigyan. Kailangan lang mayroon siyang clearance mula sa kanyang doctor,” ani Vergeire sa panayam ng Teleradyo.

Nilinaw din ng opisyal na dahil limitado pa rin ang supply ng Pilipinas sa mga bakuna, at dahil hindi naman mataas ang tsansa ng severe infection at pagkamatay sa COVID-19 ng mga menor de edad, mananatili ang vaccine prioritization framework ng gobyerno sa mga high risk tulad ng healthcare workers, senior citizens, at may comorbidity. – with report from ABS-CBN News, CJY