-- Advertisements --
DND AFP lorenzana

Target ng Department of National Defense (DND) na makalikom ng suporta mula sa Japan para i-develop ang Self-Reliant Defense Posture (SRDP) program ng bansa.

Tumutukoy ito sa programa na naglalayong matulungan ang bansa na makapag-produce ng weapons, maliliit na armas at ammunition, tactical communications equipment, basic land vehicles at maliit na sasakyang pandagat gamit ang mga lokal na materyales.

Sa pamamagitan din nito mababawasan ang pagdepende ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines sa foreign markets at matulungang makabuo ng isang malakas na local defense sector.

Kapwa napag-usapan ito sa pagkikita nina DND Secretary Gilberto Teodoro Jr at Japanese Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko na nag-courtesy call sa DND Building sa Camp Aguinaldo para palakasin pa ang security partnership ng dalawang bansa.

Pinasalamatan din ni Teodoro ang gobyerno ng Japan para sa suporta nito sa modernization efforts ng AFP partikular na sa pamamagitan ng nagpapatuloy na Air Surveillance Radars Project ng Philippine Air Force.

Nakatakdang makatanggap ang DND ng P5.5 billion na air surveillance radar system mula sa kompaniya ng Japan kabilang sa package ang tatlong fixed long-range air surveillance radars at isang mobile air surveillance radar.

Kabilang sa mga inirekomendang sites para sa paglalagyan ng air surveillance radars ay sa Philippine Rise sa northern coastline ng Dinapigue, Isabela, sa katimugang bahagi ng bansa at timog bahagi ng West Philippine Sea.