Hinikayat ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang China magpakatotoo at maging kapanipaniwala namann sa mga propaganda at claims nito sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ng secretary of National Defense kasabay ng mariing pagkondena sa mga pinakahuling insidente ng pagiging agresibo ng China sa mga barko ng Pilipinas na naglagay naman sa panganib sa buhay ng tropa ng militar.
Ayon kay Sec. Teodoro, ang mga propaganda na ito ng China ay pawang mga pagtatangka lamang na i-justify ang ilegal na naging aksyon ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia vessels sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng kanilang sinasabing “indisputable claim” sa naturang karagatan.
Sa naturang pahayag ay binuweltahan ng kalihim ang China kung saan binigyang-diin niya na walang matinong estado ang naniniwala sa pilit na pinapalabas ng China na ang kanilang ginawang panghaharrass sa mga barko ng Pilipinas sa WPS ay pawang “professional, restrained, reasonable, and lawful” na sa katunayan aniya ay ilegal at hindi sibilisado aksyon.
Kaugnay nito ay ipinunto rin ni Sec. Teodoro ang maraming bansa na nagpahayag din ng mariing pagkondena sa mga agresibong aksyon ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)