Ipinagkibit-balikat na lamang ng Pilipinas ang mga panibagong alegasyong ng China laban sa ating bansa matapos ang ginawa nitong Multilateral Maritime Cooperative Activity sa West Philippine Sea kasama ang mga bansa ng Japan, Australia, at Estados Unidos.
Ito ay tugon ng naturang kagawaran kasunod ng mga panibagong pag-aakusa ng China na paglabag umano sa Code of Conduct of Parties ang naturang aktibidad na sumasagasa umano sa kanilang karapatan at soberanya sa naturang lugar na nasa loob naman ng exclusive economic zone ng Pilipinas na pilit na kinakamkam ng nasabing bansa.
Giit ni DND Spokesperson, Dir. Arsenio Andolong hindi show of force ang ginawa ng aktibidad ng ating bansa kasama ang iba pang mga bansa sa naturang pinag-aagawang teritoryo.
Aniya, walang masama sa isinagawang aktibidad ng Pilipinas kasama ang iba pang mga kaalyansa nating bansa sa naturang lugar sapagkat ito naman aniya ay alinsunod pa rin sa kung ano ang nakasaad sa International Law.
Ani Arsenio, ito’y nagpapakita lamang ng pagkakaisa at normal lamang aniyang ginagawa ito ng lahat ng mga sibilisadong bansa sa buong mundo ngunit bahala na ang China sa kung ano ang magiging interpretasyon nila rito.
Samantala, gayunpaman ay naniniwala pa rin ang opisyal na ang importante ay ginagawa ng ating bansa ang ganitong uri ng mga aktibidad sa ngalan pa rin ng Pambansang interest ng ating bansa na layuning mas palakasin pa ang kakayahan at kapabilidad ng kasundaluhan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba pang mga kaalyado nating mga bansa.