-- Advertisements --
OFW

Ipinagmalaki ng Department of Migrant Workers ang mga nagawa para sa mga Overseas Filipino Workers sa bansa, sa unang taon ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Migrant Workers Sec. Susan Ople, nagawa ng DMW na isulong ang interest at kapakanan ng mga OFWs.

Kabilang dito ang matagumpay na pagpapauwi sa mga na-stranded na OFW sa Sudan. Ang mga nasabing OFW ay binigyan din ng tulong pinansyal para makapag-umpisa muli pagbalik sa bansa.

Kasama rin dito ang pakikipagpulong ng DMW sa European Union upang maresolba ang problema ng maraming mga pinoy seafarers, mabigyan sila ng sertipikasyon, at maipagpatuloy nila ang trabaho.

Sa ilalim ng Administrasyon Marcos, naresolba din ng DMW ang problema sa pasahod ng 10,000 construction workers sa bansang Saudi. Ang nasabing problema ay nagsimula pa noong 2015.

Pangako ng ahensya na ipagpapatuloy nila ang paggampan sa tungkulin, upang matiyak na lalo pang maisulong ang kapakanan ng mga OFWs na nakikipagsapalaran sa ibang mga bansa.