-- Advertisements --

Nagpaliwanag ang Department of Education (DepEd) tungkol sa kumakalat na module kung saan makikita ang maling pananaw tungkol sa mga Igorots.

Base sa ginawang internal investigation ng kagawaran, ang naturang draft document na ito ay mula sa Nueva Vizcaya at kasalukuyan pang sumasailalim sa quality assurance procedures subalit hindi sinasadayang ma-print ng hindi pa kilalang school personnel.

Giit pa ng ahensya na hindi ipinamigay sa mga estudyante ang naturang dokumento dahil nang malaman daw ito ng paaralan ay kaagad nilang ipinatigil ang pamamahagi nito.

Nanindigan ang DepEd na hindi nito kinikilingan ang diskriminasyon sa lahi, kasarian, edad, relihiyon o sexual preference.

Naglabas na aniya sila ng guidelines alinsunod sa international at national frameworks ng equality. Nagsagawa rin ito ng mga trainings upang ipatupad ang zero-tolerance policy laban sa diskriminasyon.

Aminado naman ang DepEd na mahaba pa ang lalakbayin ng kagawaran para tiyakin na ang edukasyon sa bansa ay nagpo-promote ng pagkakapantay-pantay at respeto para sa isa’t isa.

Tiniyak naman nito na mananatiling tapat ang DepEd sa kanilang tungkulin na wakasan ang discriminatory practices sa mga paaralan at opisina.

Samantala, nanawagan din ang ahensya sa publiko, gayundin sa mga local government units, media, sectoral leaders, community members, mga magulang at stakeholders, na tumulong sa kanilang layunin.