Ipinahayag ni President Ferdinand Marcos Jr. na tinitiyak ng pamahalaan na magiging mas matibay na ang mga lugar na napinsala ng malakas na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Luzon.
Ito ay matapos na personal na masaksihan ng pangulo ang matinding pinsalang tinamo ng mga imprastraktura sa mga probinsyang niyanig ng nasabing lindol.
Sa isang pahayag ay sinabi ni PBBM na ang mga pinsalang ito ay dapat na agad na maayos at gawing disaster-proof upang hindi na ito agad na masira sakaling may iba pang kalamidad ang muling dumaan sa lugar.
Pinamamadali na rin ng pangulo ang pagpapaayos sa mga provincial hospital tulad na lamang sa bayan ng Bangued sa lalawigan ng Abra kung saan nasa ilalim lang ng mga tent ang isinasagawa ang mga paggagamot dahil malaki rin ang naging pinsala nitong tinamo ng mga gusaling ospital nito ng dahil sa lindol.
Kabilang din sa mga imprastrakturang ipinag-utos niya na muling ipaayos ay ang mga kalye, gusali, heritage sites, paaralan, at maging ang residential area kung saan nakatira ang ating mga kababayan.
Samantala, iniulat din ni Marcos Jr. na nasa maayos namang kalagayan ang mga evacuees na naghihintay na lamang na mainspeksyon ang kanilang mga bahay para matiyak na maaari na nila itong balikan.
Lubos din ang kaniyang ipinapaabot na pasasalamat sa mga indibidwal na nagpaabot ng kanilang tulong sa mga biktima ng lindol.