KALIBO, Aklan —- Muling bubuksan ang direct flights ng TigerAir mula Taiwan patungong Kalibo International Airport.
Ito ang kinumpirma ni Engr. John William Fuerte ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan manager.
Nakatakda ang unang biyahe nito sa darating na Disyembre 29, 2022.
Ang naturang airline company ay gagamit ng Airbus-320 aircraft na may kapasidad na 180 na pasahero.
Sinabi ni Engr. Fuerte na ito ang pinakabagong nadagdag na international flight sa paliparan bago magtapos ang taon na napapanahon sa pagbuhos ng mga turista sa Boracay para sa selebrasyon ng Bagong Taon at Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan festival.
Sa kabilang daku, may ilan pang airline companies mula sa Singapore ang nagpahayag rin ng interes na magkaroon ng direct flight sa paliparan.
Inaasahang magsisimula ang kanilang biyahe sa unang bahagi ng 2023.
Maliban dito, patuloy pa ang negosasyon sa pagkakaron ng direct flights mula Malaysia at China.
Nagsimula ang direct flight ng AirAsia mula sa China papuntang Panglao International Airport at itinutulak ngayon ang pagkakaroon ng biyahe sa Kalibo International Airport.
Sa kasalukuyan ay nananatili ang direct flight sa paliparan mula Incheon, South Korea, kung saan, may tig-dalawang flight schedule bawat araw ang T’way at Air Seoul at inaasahang madadagdagan sa buwan ng Marso.
Ayon sa CAAP-Aklan na malaking tulong sa turismo at ekonomiya ang nakatakdang paglunsad ng bagong direct flight mula Taiwan at iba pang destinasyon.










