Hinimok ng isang grupo ng diplomats ang lokal na pamahalaan ng Malay sa Aklan na isaalang-alang ang pag-aalok ng Halal na pagkain para makaakit ng mas maraming dayuhang turista.
Karamihan sa mga talakayan ay iprinesenta sa Boracay Diplomatic and Business Forum na ginanap sa Belmont Hotel-Boracay noong Biyernes, Abril 19. Kabilang sa mga diplomat na dumating ay sina Megawati DatoPaduka Haji Manan ng Brunei, Agus Widjojo ng Indonesia, Dato Abdul Malik Melvin Castelino ng Malaysia, Lai Thai Binh ng Vietnam, Imtiaz Ahmad Kazi ng Pakistan, Sadre Alam ng India, at Wallace Minn-Gan Chow ng Taiwan.
Ang halal food ay anumang pagkain na pinahihintulutan sa ilalim ng batas ng Islam, tulad ng mga tinukoy sa Quran.
Sa datos ng Department of Trade and Industry, mayroong $3.3 global market para sa Halal food.
Samantala, inorganisa ng Global Tourism Business Associations ang business forum katuwang ang Department of Tourism, ng pamahalaang panlalawigan ng Aklan, at ng Malay LGU.
Ayon kay Western Visayas Tourism Director Crisanta Marlene Rodriguez, makikipag-coordinate sila sa Department of Science and Technology (DOST) para magbigay ng Halal food orientation sa mga restaurant sa resort island.
Dagdag pa rito, sinabi ni Castelino ng Malaysia na bagama’t sinusuportahan nila ang panawagan na mag-alok ng Halal na pagkain, nais niyang mapabuti ang mga paliparan, lalo na para sa Boracay.