CAGAYAN DE ORO CITY – Pinaninindigan ng Diocese of Malaybalay City na hindi totoo ang paratang na nasangkot sa kasong panggagahasa sa Lala, Lanao del Norte ang pari na pinatay kamakailan sa bahagi ng Bukidnon.
Ito raw ang iginiit ng spiritual director ng namatay na paring si Fr. Rene Regalado na si Fr. Virgilio Delfin nang nai-kuwento nito sa mga parokyano na dumalo sa inaalay na banal na misa sa San Isidro Cathedral ng Malaybalay City.
Inihayag ni Delfin na bilang matalik na kaibigan ay alam niya ang lahat ng mga pinagagawa at maging ang mga kahinaan ng biktima.
Sinabi ni Delfin na patunay na hindi umano totoo ang kasong rape ay negatibo ang naging crime laboratory examination kaya pansamantala pinalaya at pinabalik ni Iligan City Diocese Bishop Jose Rapadas III sa Bukidnon.
Ito ang dahilan kung bakit nila hinihiling sa mga otoridad na mabigyan ng hustisya ang pagkapatay ng biktima.
Magugunitang nagtamo ng limang tama ng bala ng kalibre 45 na baril ang ulo ng pari.
Lumalabas na binugbog pa raw ang pari ng hindi pa kilalang mga armadong suspek noong nakaraang Enero 24 ng gabi sa lungsod ng Malaybalay, Bukidnon.