-- Advertisements --
image 46

Tinukoy ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga alternatibong lugar ng pangisdaan para sa mga mangingisda na apektado ng tumagas na langis sa may Oriental Mindoro.

Ayon pa sa ahensiya, mag-iisyu ito ng isang joint memorandum circular kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kaugnay sa pagbabahagi ng fishing grounds sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan.

Inihayag ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. na maga-adopt ng isang cluster approach ang dalawang ahensiya para matiyak na lahat ng mga apektadong mangingisda ay mayroong lugar na mapupuntahan para sa kanilang kabuhayan at maiwasan na din ang congestion o kumpulan sa iisang fishing area.

Inirekomenda na rin ng kalihim ang naturang plano kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos na makipagdayalogo ang DILG chief sa LGUs alinsunod sa direktiba ng Pangulo.

Sa naturang dayalogo, inirekomenda ng mga mangingisda sa mga bayan ng San Teodoro at Baco na isagawa ang kanilang fishing activities sa municipal waters ng Paluan at Abra De ilog sa Occidental Mindoro gayundin sa Tayabas Bay at Mindoro Strait.

Sa may Calapan city naman gayundin sa Naujan at Pola na matinding naapektuhan ng oil spill ay maaaring isagawa ang pangingisda sa mga municipal water sa Boac, Gasan sa Marinduque at Tayabas Bay.

Ang mga mangingisda naman sa Pinamalayan, Gloria at bansud ay maaaring magsagawa ng fishing activities sa municipal waters sa Conception sa Romblon at bahagi ng Mindoro Strait.

Habang sa Bongabiong, Roxas, Mansalay at Bulalacao ay inirekomendang mangisda sa Tablas Strait at municipal waters ng San Jose at Magsaysay sa Occidental Mindoro.

Nakatakdang pag-usapan pa kung hanggang kailan magtatagal ang pagbabagi ng fishing grounds.

Inihayag naman ni Abalos na maaaring makabalik na sa pangingisda ang fisherfolks sa kanilang sariling territorial waters sa oras na wala ng kontaminasyon sa mga apektadong lugar sa Oriental Mindoro.