-- Advertisements --

Suportado ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang panawagan sa mga local government units na unahin muna ang pagbabakuna sa mga edad 40 hanggang 59-anyos sa ilalim ng A4 category sa harap ng limitadong supply ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, maaring ipagpatuloy ng mga LGUs ang pagbabakuna sa iba pang age group sa ilalim ng A4 category kapag maging stable na ang supply ng bakuna.

Nauna nang iminungkahi ni Health Secretary Francisco Duque III sa kanilang briefing kasama si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang miyembro ng gabinete kagabi ang tungkol sa pagbibigay nang priority sa mga edad 40 hanggang 50-anyos dahil sa kasalukuyang supply ng bakuna na mayroon ang Pilipinas.

Kahapon, Hunyo 7, 2021, nang sinimulan ng pamahalaan ang pagbakuna sa mga nasa ilalim ng A4 category o ang labor force ng bansa, na aabot sa 35 million ang bilang.

Ang vaccination rollout para sa A4 category ay nakahati sa dalawang phases kung saan uunahin ang mga manggagawa sa Metro Manila, Cavite, Bulacan, Rizal, Laguna, Pampanga, Metro Cebu, at Metro Davao o ang tinatawag na NCR Plus 8; sunod iyong mga nasa labas ng naturang mga nabanggit na lugar.