-- Advertisements --

Binigyang-pugay ni outgoing Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang 307 na pulis na namatay sa pagganap ng kanilang tungkulin sa panahon ng Duterte administration.

Ginawa ng kalihim ang pagkilala ng magtungo ito sa Kampo Crame nuong Lunes.

Ayon kay Año, sa nasabing bilang 56 sa mga naturang pulis ang nasawi sa drug war, 160 sa anti-criminality campaigns at 91 sa pakikipaglaban sa mga teroristang komunista.

Kabilang sa mga tinukoy ni Año si Police Senior Master Sargeant Jason Magno, na nasawi nang takpan niya ng kanyang katawan ang isang granada na hinagis ng suspek upang hindi makapinsala ng mga mag-aaral sa Initao Community College sa Misamis Oriental noong Nobyembre 2019.

Gayundin si Police Master Sargeant Conrado Cabigao Jr. ng Police Regional Office (PRO) 4-A na nasawi sa isang buy bust operation noong Hunyo 2019; at si Police Captain Efren S. Espanto na nasawi sa pakikipaglaban sa mga teroristang komunista sa Janiuay, Iloilo noong Febrero 2020.

Sinabi ni Año na umaasa siya na hindi nasayang ang pagbubuwis ng buhay ng mga magigiting na pulis, at magsisilbing inspirasyon upang lalong pagbutihin ng mga pulis ang pagsisilbi sa bayan.